Kinublihang Lingap

“Isandaang panaginip

Isanlibong pangarap

Ang hatid ng ilaw na kumukutitap

Sandaang pangako

Ang kindat ng neon

Aalin ang totoo

Alin ang ilusyon”


Hindi ko ninanais na pagdaanan ang mga masasaklap at mararahas na karanasan na kinwento ng aking pamilya at mga nabasa sa mga libro at mga artikulo. Binuksan nila ang aking mga mata noong ako’y bata pa. Pinalaki akong maging mulat sa katotohan at walang lihim na ikinubli. Tinuruan akong manindigan para sa sarili at para sa nakararami. Hindi ako masisilaw, magbubulag-bulagan at magpapalinlang sa anumang bagay na sa una pa lamang ay hindi ko na mapagkakatiwalaan. Ako’y magiging mapagmasid at magsisilbing nagliliyab na liwanag. Hahawaan ko ang mga liwanag na hindi na umaalab.

Alpheratz


Kaaya-ayang panoorin ang dulang “Sandaang Panaginip” hindi lamang dahil sa mga costume, props, mga mahuhusay na artista at nakamamanghang pagganap kung hindi dahil sa mismong kwento. Isa na ring rason ay ang ang anumang istorya kapag hinaluan ng pag-ibig ay tiyak na nakakaengganyong panoorin. Nagiging kapana-panabik at kaabang-abang ang bawat eksena. Dahil din sa pagiging isang “fairy tale” nito, nagbibigay ito ng pag-asa na kayang baligtarin ang anumang hirap o kasamaan na tinatamasa– tila ba ay kayang ayusin ang lahat. Dahil din dito, mas lalo natin itong naintindihan at nakita ang mga pagkakaiba ng kapangyarihan ng bawat karakter. Ang huwad ay ginagawang makatotohanan sapagkat nakita rin sa dula na ito’y isang “fantasy” na may koneksyon pa rin sa realidad. Kaya naman ang dulang “Sandaang Panaginip” ay matagumpay dahil sa pagiging romantiko nito. Masasabi rin na ang dula ay epektibo sapagkat  ito ay isang komedyang may relasyon sa tunay na pinagdaanan ng ating bansa.

untitled

Sa dulang “Sandaang Panaginip” na isinulat ni Rene O. Villanueva, makikita ang iba’t ibang isyu na totoo sa ating lipunan ngayon. Ang kwento nito ay uminog sa mga suliranin ng korapsyon, maling pamumuno at pagtataksil. Makikita rito ang maling paggamit ng kapangyarihan ni Reyna Leona para sa kapakanan ng kanyang sarili at mga anak. Hindi niya inisip ang mga pangangailangan ng bayang kanyang sinasakupan. Pinanghahawakan niya ang hindi naman nararapat sa kanya sapagkat ang kanyang pagiging isang lider ay umiikot lamang sa mga panloloko at kasinungalingan. Ang suliranin ng kwento ay kung paano maiimulat ni Prinsesa Yasmin ang kanyang tatay na si Haring Alexander na may mga nangyayaring kawalan ng hustisya sa kanilang bayan.

12042103_1041716292540416_926875244_n

Makikita ang realidad nito sa ating pangaraw-araw nating buhay sapagkat matingkad ang Marxismo. Ang tagumpay ng kaharian ng Tralala ay nakabatay sa sistema ng produksyon. Layunin ng kanilang pamumuhunan ay masustentuhan ang gastusin at pangangailangan ng kaharian. Nangangahulugang ang kanilang ipinuhunan ay papaikutin at kailangang kumita mula rito. Subalit ang lipunang tulad nito ay malayo ang agwat ng nasa itaas at ng nasa ibaba. ‘Panginoon’ ay itinuturing na may hawak ng kapangyarihan at ng pananalapi. Samantalang ang mga nasa ibaba ay nananatili sa ibaba. Layuning din ng nasa itaas na panatilihin silang nasa ibaba upang hindi manganib o mawala ang tinatamasang pribilehiyo at kapangyarihan. Makikita ito sa relasyon ni Reyna Leona sa mga taong nasa Timog.

12042981_1643884622560569_7136056079729014794_n

Nakakalungkot isipin na ang kayamanan ng kaharian ay inangkin ng iilan. Gaya na lamang sa mga nakalipas at kasalukuyang namumuno sa ating bansa. Hindi man lang nila isinasaalang-alang ang pag-asenso ng bawat tao na kanilang pinamamahalaanan. Sana’y ibinabalik sa mga naghirap at nag-ambag ng pawis ang kanilang pinagpaguran.

12036769_1643879242561107_265179877258451410_n

Habang pinapanood ang dula ay hindi maiwasang sumagi sa aking isipan ang mga nahagupit ng bagyong Yolanda noong Nobyembre taong 2013. Magdadalawang taon na ngunit hanggang ngayon karamihan ay nakatira pa rin sa mga barong-barong. Napakaraming nagpahatid ng tulong sa kanila mula sa iba’t-ibang sulok ng mundo. Ang makita sila sa kasalukuyan nilang kalagayan ay nakakapanlumo dahil nais man nilang magsimula ay walang mapagkunang pinansyal. Ipinagkait ang para sa kanila. Malamang sa malamang ay nailagay na sa bulsa ng mga pulitiko gustong makapanglaman, isang maituturing na krimen.

23_rebuilding

Ang pangyayari sa dula ay maihahalintulad sa din buhay ng mga Marcos kung saan  sa hindi inaasahang pagkakataon ay nag-iba ang takbo ng pamamalakad ng kaharian dahil tinamaan ng malubhang karamdaman ang lider. Hindi na magampanan nang maayos ni Haring Alexander ang kanyang tungkulin. Dahil ayaw bumitaw sa posisyon ay ipinasa ang panunungkulan sa kanyang pangalawang asawa na si Reyna Leona na wari bang si Imelda Marcos sa totoong buhay. Kuhang-kuha ang pagganap sa kanya bilang babaeng mahilig pumorma at magsagawa ng mararangyang pagtitipon– pagtitipong kung tutuusi’y hindi kinakailangan. Pagwawaldas na maituturing ang kanyang ginawa para lamang makatanggap ng papuri. Marahil masyadong kampante na walang hanggan ang hinahawakang kayamanan. Sa kabilnag dako, marami na ang nagpahayag sa telebisyon at sa kani-kanilang munisipalidad ng kanilang intensyong manilbihan. Marami rin ang galing sa angkan ng pulitiko. Gaya na lamang  ni Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., anak ng pangulong nagpatupad ng Martial Law sa Pilipinas na pinaniniwalaan ng karamihan na nang-abuso ng kapangyarihan at nagwaldas  ng kayamanan mula sa kaban ng bayan.

imelda-marcos

Maganda na sana ang kahahantungan ng kaharian ngunit ang paglustay ng kaban ng kaharian ay nakaapekto nang lubusan. Ito ay isang dahilan upang manganib ang kalagayan nito. Ano nga bang aasahan sa ganitong klase ng sistema na malaki pa ang ginagastos kaysa sa kinikita — pagkalugi ang sasapitin. Paanong mapagtatakpan ang pagsasawalang bahala?

c745c139cde274b49f40cf8cf9e333075d6797d7739ec95975f94a131803f2a5

Buti na lamang at nariyan ang kaharian ng Parachibum. Walang pag-aalinlangangang nagpahiram ng salaping makakapagpa-ahon sana sa kahariang lubog na sa utang. Ngunit sa patuloy na pagwawalang bahala ng Reyna ng Tralala, pati iyon ay naglaho nang parang bula. Ginastos ito para sa isang bahay-bakasyunang hindi kailangan. Hindi balanse ang pagdaloy at paglabas ng pera. Ang dapat sanang sabay-sabay na pag-unlad ng bawat miyembro ng lipunan ay sabay-sabay nalugmok. Nawalang saysay ang kanilang pagpapagod.

corruption

Bagamat umay na umay na sa kwentong pulitika ay nabusog ang aking kaisipan mula sa pagtatanghal. Ang plantsadong koreograpiya at planadong pagpapalit ng mga props ay matagumpay. Ang kulay ng damit ay nagbigay ng pagkakaiba sa mga karakters na ginampanan, gaya ng sa Moro na matitingkad at maputlang kulay ng sa mga Kristiyano. Kahit na ito’y isang hiram na panitikan mula sa iba’t ibang yugto ng panahon ay naging makabuluhan ang paggamit nito.

12188947_1643877309227967_7141392068172612963_n

Ang nasasabing dula ay hindi lamang makakapagpaliwanag ng nakaraan kundi ay mapagkukunan din ng aral sa pagpili ng nararapat sa paparating na halalan taong 2016. Ang bawat Pilipino sa kasalukuyan ay hangad ang pagbabago at pag-unlad sa buhay. Hindi lang sandaan ang nananaginip at nangangarap kundi milyon-milyon ang umaasa na makatutulong ang susunod na pamahalaan. Paniguradong hindi lamang sandaang pangako ang maririnig natin sa kanila. Maaaring ang iba ay totoo samantalang ang karamihan ay ilusyon.

Pagbabago-Halalan-20161

Katotohanan at ilusyon. Napapansin ko na sa karamihan ng aking mga kababayan lalo na sa kapwa ko kabataan ay nahihirapan silang alamin kung ano ang totoo sa hindi. Madalas ay nabubulag sa unang tingin, nabubulag sa kung ano ang gusto nilang paniwalaan. Inuuna at sadyang bugso ng damdaming pinaiiral. Gumagawa ng sariling ilusyon upang makontento sa kanilang sitwasyon — sitwasyong malayo sa kanais-nais, sitwasyong mapapabuti sa isang napakadaling paraan. Kailangang kilatisin ang bawat impormasyong nakapalibot bago ipasok sa kamalayan. Suriin ang sistemang kinapapalooban. Kung lahat tayo ay gagawin ito walang magpapaloko.

imagesW3IIA3KC

ni Victor Silverio at Arianne Agojo 

Sanggunian:

http://littlegapanese.blogspot.com/2007/02/sandaang-panaginip-kontemporanyong.html

http://www.filipinoscribe.com/2015/10/10/ateneo-entablado-presents-sandaang-panaginip-by-rene-villanueva/

https://www.facebook.com/ateneo.entablado/photos_stream

https://www.google.com.ph/search?q=bituin&biw=1366&bih=673&source=lnms&tbm=isch&sa=X&ved=0CAYQ_AUoAWoVChMIt7a96fjdyAIVZOimCh1ofwgQ#tbm=isch&q=yolanda+houses&imgrc=xTOIXiV8NgtfGM%3A

https://www.google.com.ph/search?q=bituin&biw=1366&bih=673&source=lnms&tbm=isch&sa=X&ved=0CAYQ_AUoAWoVChMIt7a96fjdyAIVZOimCh1ofwgQ#tbm=isch&q=imelda+marcos+meme&imgrc=Df88R9vL6EADMM%3A

https://www.google.com.ph/search?q=bituin&biw=1366&bih=673&source=lnms&tbm=isch&sa=X&ved=0CAYQ_AUoAWoVChMIt7a96fjdyAIVZOimCh1ofwgQ#tbm=isch&q=corruption+meme&imgrc=tHTizTnBRccrvM%3A

https://www.google.com.ph/search?q=bituin&biw=1366&bih=673&source=lnms&tbm=isch&sa=X&ved=0CAYQ_AUoAWoVChMIt7a96fjdyAIVZOimCh1ofwgQ#tbm=isch&q=corruption+meme&imgrc=tHTizTnBRccrvM%3A

https://www.google.com.ph/search?q=bituin&biw=1366&bih=673&source=lnms&tbm=isch&sa=X&ved=0CAYQ_AUoAWoVChMIt7a96fjdyAIVZOimCh1ofwgQ#tbm=isch&q=halalan+2016&imgrc=n5WejGjiP9tXIM%3A

https://www.google.com.ph/search?q=bituin&biw=1366&bih=673&source=lnms&tbm=isch&sa=X&ved=0CAYQ_AUoAWoVChMIt7a96fjdyAIVZOimCh1ofwgQ#tbm=isch&q=filipino+meme&imgrc=e0MNYC4XqWrwXM%3A

Posted in Uncategorized | Leave a comment